|
Pag-ibig ng Panginoon ay gintong sinag ng araw, Liwanag na tumatagos sa madilim nating buhay. Pag-ibig na mula sa Diyos na sa atin nananahan, Upang tayo'y mag-ibigan at tunay na magmahalan, Tulad ng Kanyang pag-ibig na alay sa sanlibutan. Mula ng aking nalaman na ako ay mahal ng Diyos At sinugo ang Anak Niya upang sa ati'y tumubos, Napuspos ng kagalakan itong buhay kong hikahos, Ang pag-ibig na handog Niya'y dumaloy na parang agos, Nag-uudyok na mamuhay ng ayon sa "bagong utos".
Sinugo ang Espiritu upang sa atin manahan. Sapagka't ang nais Niya'y sa atin Siya mamagitan. Ibinuhos sa ating puso, pag-ibig Niyang walang hanggan, Upang di tayo mabigo sa ating pagmamahalan, Sa pag-asang mapasa'tin - ang Kanyang kaluwalhatian. Panginoon, dalangin ko, ako nawa ay puspusan, Ng tunay na pag-ibig Mo, upang aking maranasan. Ang pag-ibig na matiyaga't may magandang kalooban, Pag-ibig na makalangit, matulungin, mapagbigay, Pag-ibig na walang takot, mag-aalay pati buhay. Iyo sanang ipagkaloob ang Iyong pag-ibig na wagas, Hindi makasarili at hindi mapagmataas, Hindi ito nagagalak sa gawaing hindi patas, Hindi po magalitin, nagtitiyaga hanggang wakas, Punung-puno ng pag-asa, mapagpatawad na likas.
Ang nais ko'y pag-ibig Mo ang maghari sa buhay ko, Upang matutong umibig ng matapat, buong puso. Kahit ano ang gawin ko kung wala ang pag-ibig Mo, Ipamigay ko man lahat, magdilang anghel man ako, Wala akong kabuluhan, batingaw ang katulad ko. Nawa kami ay mamuhay sa lilim ng Iyong liwanag. Handa kaming magtulungan at handa ring magpatawad. Magkaisa ang layunin na Ikaw ay makatulad, Ihayag ng buong tapang, kagaya ng nararapat, Ang pag-ibig Mo sa amin, na dala ng Iyong Anak. Nawa aking Panginoon, matupad ang layunin Mo, Na maging daluyan ako ng dakilang pag-ibig Mo. Puspusan Mo nawa ako ng Banal na Espirito, At ang wagas Mong pag-ibig ibuhos Mo sa puso ko, Nang sa pamamagitan ko, maibig Mo kapuwa ko.
Pastor Carlos M. Castro is an ordained elder of Grace Communion International - Pampanga. He loves poetry.
|