|
Sa huling araw ng Pista, si Hesus ay nagsalita, Malakas Niyang sinabi sa harapan ng balana; "Sinuman ang nauuhaw sa akin ay lumapit s'ya Upang siya ay uminom nang hindi na mauhaw pa Tubig nagbibigay buhay, dadaloy mula sa kanya." Ang tinutukoy ni Hesus ang Banal na Espiritu, Pinangakong isusugo upang manahan sa tao. Siya ang ating Patnubay at siya ring Tagapayo, Atin siyang Taga-aliw, Katulong at Abogado, Upang ating maisabuhay ang ating buhay Kristyano.
'Pag tayo'y nababalisa, tayo'y kanyang ina-aliw, 'Pag tayo ay nagpapasiya, nagpapayo siya sa atin 'Pag tayo ay pinupuna, nagtatanggol siya sa atin 'Pag tayo'y di maintindihan, siya'y namamagitan din Kahanga-hanga siyang tunay, sa pag-ibig niya sa atin. Ang Banal na Espiritu, pag-ibig na nasa atin, Ipinagkaloob ng Diyos upang tayo ay mahalin. Siya ang katotohanan, at nagpapabanal man din Katulad ng Panginoon, handang tumulong sa atin Handa tayong paglingkuran, kapag tayo'y naninimdim. Ang Banal na Espiritu, pag-ibig na nasa atin, Kapangyarihan siya ng Diyos upang tayo'y palakasin Nagbibigay karunungan upang di malinlang man din Ang pag-ibig ng ating Diyos binubuhos niya sa atin Sa 'ting puso't kaisipan ito'y kanyang itinanim. Ang Banal na Espiritu, pag-ibig na nasa atin Upang tayo'y palayain sa makasariling damdamin Upang tayo ay matutong magmahal sa iba sa 'tin At upang ating makamit ang banal niyang layunin Na tayo'y ay makatulad ni Hesus sa puso't isip. Ang Banal na Espiritu, pag-ibig na nasa atin, Nagbibigay ng kaloob sa bawat isa sa atin Kaloob na espirituwal na dapat nating gamitin Sa gawain ng Panginoon nang matupad ang layunin Na makamit ang tagumpay sa lahat ng adhikain. O Banal na Espiritu, pakinggan mo ang hiling ko Manatili ka sa akin habang ako'y nasa mundo Hindi ko kayang mabuhay kung wala ang pag-ibig mo Ikaw ang lahat sa akin, ikaw itong hininga ko Ikaw na ang siyang mabuhay, ikaw O' Diyos, hindi ako.
Carlos M. Castro is an ordained elder of the Grace Communion International, Pampanga local congregation. He loves poetry.
|