|
Sa lahat ng naisulat sa Banal na Kasulatan,
Wala tayong makikitang hihigit sa katanyagan,
Sa pangungusap ni Hesus na sinulat ni San Juan
Ukol sa pag-ibig ng Diyos sa buong sanlibutan
Na Kanyang pinagkaloob para sa ‘ting kaligtasan.
Sa lihim na pagkikita ni Hesus at Nicodemo
Binuksan ng Panginoon ang hanap ng Pariseo
Ang hanap ng sanlibutan at hanap ng bawa’t tao
Na higit na mahalaga anumang bagay sa mundo
Pag-ibig na mula sa Diyos at mula sa Kanyang puso.
Pag-ibig Niya’y gayon na lang, kaya kusang ibinigay,
Ang bugtong Niyang Anak sa buong sangkatauhan.
Sinuman ang maniwala, sumampalatayang tunay
Siya’y di mapapahamak, may buhay na walang hanggan
Siya ay nakatitiyak di rin mapaparusahan.
Sa oras ng kahirapan at oras ng kaguluhan,
Wala nang nakatutuwa higit sa aking nalaman
Na tayo ay mahal ng Diyos, mahal higit kanino man
Kahit maging sino ka man at maging makasalanan
Pagka’t sa ati’y ibinigay ang tangi Niyang kayamanan.
Ang ating Diyos ay pag-ibig, mahal Niya tayong lahat!
Pag-ibig na walang maliw, di malirip, di masukat.
Pag-ibig na mahabagin, tunay, dakila at wagas,
Tulad ng sikat ng araw na nagdudulot ng lunas
Sa dagok ng kadiliman at hirap na dinaranas.
Magmula nang mabatid ko na ako ay mahal Niya,
Nagbago ang pananaw ko, ang takot ko ay nawala.
Nagkaroon ng pag-asa ang buhay kong walang sigla,
Napuno ng kagalakan, ng awitin sa tuwina,
Mahal ako ng aking Diyos, ang buhay ko’y hawak Niya!
Para itong bagong ilaw sa madilim kung landasin,
Naging isang bagong awit sa puso kong naninimdim.
Naging isang abot-tanaw sa matapat Niyang layunin,
At bagong kapahingaan sa ‘king pagal na damdamin
Ang pag-ibig ng aking Diyos na batid kong nasa akin.
Aking Ama dalangin ko nawa’y maunawaan ko
Kung gaano kadakila pag-ibig ni Jesucristo.
Sana O’ Diyos madama ko, pag-ibig na kaloob mo,
Upang ako ay mapuspos kapuspusang nasa Iyo
Nang ito’y maihayag ko sa matamis na Ngalan mo.
Pastor Carlos M. Castro is an ordained elder of Grace Communion International, local congregation of Pampanga. He loves poetry. More poems from Pastor Castro can be found by searching his name on this site (see Search Box on the upper right hand corner of this page).
|